Human+ · Maternal Health & Family

Saan puwedeng manganak kung walang pera?

Walang nanay na dapat matakot manganak dahil wala siyang pera. Libreng gabay sa PhilHealth, libreng prenatal care, mga ospital at tulong-pinansyal sa Pilipinas.

Sa madaling salita Puwedeng manganak nang walang binabayaran

Oo. Posibleng manganak nang libre sa Pilipinas. Kung wala kang sapat na pera, lumapit muna sa pinakamalapit na barangay health center, public birthing center o PhilHealth-accredited na ospital. Simula Abril 30, 2026, hanggang ₱29,000 ang PhilHealth coverage para sa normal delivery sa ospital at ₱58,000 hanggang ₱62,000 para sa mga sakop na cesarean procedure. Sa basic o ward accommodation ng accredited na ospital, public man o private, walang karagdagang bayad para sa covered services, alinsunod sa mga patakaran ng PhilHealth.1 Sakop din ang hindi bababa sa walong prenatal checkups para sa low-risk na pagbubuntis.2 Hindi kailangan ng PhilHealth ID o updated na hulog para magamit ang mga benepisyong ito.4 At sa emergency, bawal sa ospital na humingi muna ng deposito.8

May pagdurugo, matinding sakit ng ulo, kombulsyon o nagla-labor na? Pumunta agad sa pinakamalapit na ospital o tumawag sa 911. Tingnan ang emergency signs ›

Why we built this

Ang pagbubuntis ay dapat panahon ng paghahanda at pag-asa, hindi ng pag-aalala kung paano babayaran ang ospital.

Maraming nanay, kasama ang mga household professional na nakilala namin, ang nag-aalala kung paano nila mababayaran ang prenatal checkups, ang panganganak, ang gamot at ang mga kailangan ng bagong silang na anak.

Pero may mga programa at serbisyong puwedeng tumulong. Kaya namin ginawa ang gabay na ito: para malaman mo kung saan lalapit, ano ang mga karapatan mo, at paano maghanda para sa ligtas na panganganak kahit limitado ang budget.

Hindi kailangang maging mayaman para makatanggap ng maayos na pangangalaga.

Human+ by MaidProvider.ph

Unang hakbang Magpa-checkup sa health center bago pa dumating ang araw ng panganganak.

  1. Pumunta sa barangay health centerO sa Rural Health Unit o City Health Office. Doon magsisimula ang prenatal care at referrals.
  2. Magpa-prenatal agadHindi bababa sa walong checkups ang sakop para sa low-risk na pagbubuntis, kasama ang labs, ultrasound at vitamins.
  3. Ipa-verify ang PhilHealthKahit walang ID o hulog. Tutulungan ka ng PhilHealth desk o ng ospital na magparehistro.
  4. Pumili ng facilityLying-in para sa low-risk na pagbubuntis; ospital kung first baby, may komplikasyon o posibleng cesarean.
  5. Gumawa ng birth planSaan manganganak, backup na ospital, transportasyon at taong tatawagan sa emergency.
“Buntis po ako at wala akong sapat na pera para sa panganganak. Saan po ako puwedeng magpa-prenatal at manganak gamit ang PhilHealth o libreng serbisyo ng gobyerno?”Puwede mong sabihin ito sa health worker o midwife.

Hanapin ang ospital o lying-in Hindi mo kailangang pumunta sa Maynila.

Paano maghanap: buksan ang listahan, piliin ang rehiyon at probinsya mo, at hanapin ang pinakamalapit na ospital o birthing home. Kung hindi emergency, tumawag muna para itanong kung may maternity services, bakanteng ward bed at kung ano ang kailangan sa admission. Puwede ring magtanong sa barangay health center o City Health Office.

Kinukumpirma ng listahang ito ang accreditation ng pasilidad, hindi kung libre ang bawat serbisyo nito. Itanong pa rin ang coverage bago magpa-admit.

PhilHealth 2026 Mas malaki na ang sinasagot sa panganganak.

₱29,000Normal delivery sa ospital
₱58,000Cesarean section
₱62,000Cesarean matapos subukang manganak nang normal, kung dati ka nang na-cesarean
₱14,000Normal delivery sa accredited lying-in o birthing home, para sa kwalipikadong low-risk na pagbubuntis

Epektibo simula Abril 30, 2026.1,2,3 Mahalaga: sa lying-in at infirmary, hindi babayaran ng PhilHealth ang panganganak kung ito ang unang pagbubuntis mo (primigravida) o kung marami ka nang naging pagbubuntis ayon sa depinisyon ng DOH. Sa ospital dapat manganak sa mga sitwasyong ito.15

Walang dagdag na bayad sa ward

Sa basic o ward accommodation ng accredited na ospital, public man o private, walang co-payment at walang balance billing para sa covered services.1

Direktang ibinabayad sa ospital o clinic

Bayad ng PhilHealth sa ospital o clinic ang mga halagang ito. Hindi ito cash na ibibigay sa nanay.

Kung pinabili ka ng gamot

Kung pinabili ka ng gamot o supplies na sakop na ng package, dapat itong i-refund nang buo bago ka ma-discharge. Itago ang resibo.1

Kapag nag-upgrade ng kuwarto

Sa semi-private, may fixed na co-payment cap. Sa private room o kung pipili ka ng doktor, puwede kang singilin ng dagdag.1

Prenatal at postnatal care

Para sa low-risk na pagbubuntis, hindi bababa sa walong prenatal checkups ang sakop: isa sa first trimester, dalawa sa second at lima sa third. Kasama ang iron, folic acid at calcium, tetanus vaccine kung kailangan, routine laboratory tests (CBC, blood typing, urinalysis, hepatitis B, HIV, syphilis at OGTT) at ultrasound. Pagkatapos manganak, sakop ang mga postpartum visit, kasama ang family planning, breastfeeding, nutrisyon at mental health support. Magagamit ito sa accredited lying-in, birthing home, primary care facility at hospital outpatient department. Kung high-risk ang pagbubuntis, puwedeng kailanganin ang karagdagang medical care sa ospital; sa private provider, may limitadong singil para sa checkups na lampas sa walo.2

Zero Balance Billing Sa DOH hospitals, puwedeng ₱0 ang bill.

Sa mga ospital ng Department of Health, puwedeng ₱0 ang bill ng pasyenteng naka-basic o ward accommodation sa ilalim ng Zero Balance Billing, anuman ang trabaho o kita, alinsunod sa patakaran ng programa. Sakop nito ang gamot, procedures at professional fees. Pero hindi lahat ng public hospital ay DOH hospital, kaya itanong muna.5 Ngayong 2026, sinusubukan na rin ito sa ilang ospital ng local government.6

Hindi mo kailangan ng tulong ng politiko para sa mga benepisyong ito. Hindi personal na pabor ang serbisyong pampubliko.

Bago magpa-admit, itanong:

  • PhilHealth-accredited po ba ang ospital?
  • May bakante po bang basic o ward bed?
  • Sakop po ba ng No Co-Payment o Zero Balance Billing ang panganganak ko?
  • May babayaran pa po ba ako?
  • May Medical Social Service o Malasakit Center po ba rito?

Walang PhilHealth? Awtomatiko kang sakop ng PhilHealth.

Sa ilalim ng Universal Health Care Act (Republic Act No. 11223), awtomatikong kasama ang bawat Pilipino sa National Health Insurance Program at may immediate eligibility. Hindi kailangan ng PhilHealth ID, at hindi hadlang ang hindi pagbabayad ng premium para magamit ang benepisyo.4

Kung wala ka pa sa records ng PhilHealth, puwede kang iparehistro ng accredited na ospital habang ginagamit mo ang benepisyo.4 Magdala ng anumang valid ID na mayroon ka. Para sa ilang direct contributor, puwedeng singilin pa rin ang mga hindi nabayarang hulog, pero hiwalay iyon sa karapatang gamitin ang benepisyo.

Kung may natitira pang bill Humingi ng tulong bago ka ma-discharge.

Medical Social Service Office. Ang medical social worker ng ospital ang unang lalapitan para sa assessment at tulong sa gastos.

Malasakit Center. May Malasakit Center ang lahat ng DOH hospital at ang Philippine General Hospital. One-stop shop ito ng DOH, DSWD, PCSO at PhilHealth para sa medical at financial assistance, ayon sa assessment ng medical social worker.7

DSWD AICS. Nagbibigay ang DSWD ng medical assistance sa mga nasa krisis, batay sa assessment. Kadalasang hinihingi ang valid ID, medical certificate o clinical abstract, at statement of account.9

Huwag magbayad sa fixer o sa sinumang nangangakong pabibilisin ang tulong ng gobyerno kapalit ng pera.

Emergency signs Pumunta agad sa ospital kung may alinman dito.

  • Pagdurugo habang buntis, o malakas na pagdurugo pagkatapos manganak
  • Matindi o tuloy-tuloy na sakit ng tiyan
  • Matinding sakit ng ulo, pagkahilo o panlalabo ng paningin
  • Kombulsyon o pagkawala ng malay
  • Lagnat at panginginig
  • Mabilis na paghinga o hirap huminga, o pananakit ng dibdib
  • Biglang pamamaga ng mukha, kamay o binti
  • Paghina o pagkawala ng galaw ng sanggol
  • Pagtagas ng tubig mula sa puwerta
  • Mabahong discharge pagkatapos manganak
  • Pag-iisip na saktan ang sarili o ang sanggol

Hindi kumpleto ang listahang ito. Kung may nararamdaman kang hindi normal, magpatingin agad.14 Para sa matinding lungkot o pag-iisip na saktan ang sarili, tumawag sa NCMH Crisis Hotline 1553.

SSS maternity benefit PhilHealth para sa ospital. SSS para sa kita mo.

SitwasyonBilang ng araw na may bayad
Panganganak, normal man o cesarean105 araw
Kwalipikadong solo parent120 araw
Miscarriage o emergency termination, kasama ang stillbirth60 araw

Kailangan ng hindi bababa sa tatlong buwang hulog sa loob ng 12 buwan bago ang semester ng panganganak, at kailangang i-notify ang SSS (o ang employer kung employed ka). Ang halaga ay batay sa iyong monthly salary credits, hindi lang sa kasalukuyang sahod.10

Sa ilalim ng Expanded Maternity Leave Law, puwedeng i-extend ang leave nang 30 araw nang walang bayad, at kung nais ng nanay, puwede niyang ilaan ang hanggang pitong araw ng maternity leave sa ama ng bata, kasal man sila o hindi. Kung wala ang ama, pumanaw na siya, o hindi niya kayang gampanan ang responsibilidad, puwedeng ilaan ang hanggang pitong araw sa kwalipikadong alternate caregiver, alinsunod sa batas. Para ito sa bawat pagbubuntis, anuman ang civil status mo.11

SSS Maternity Benefit ↗

Para sa kasambahay at household professional Ang pag-aalaga sa iba ay hindi nangangahulugang kalimutan ang sarili.

Ayon sa Batas Kasambahay, dapat naka-register ka sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG pagkatapos ng isang buwang serbisyo. Kung mas mababa sa ₱5,000 ang buwanang sahod mo, sagot ng employer ang buong kontribusyon, alinsunod sa mga patakaran ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG.12 Sakop ka rin ng SSS maternity benefit kung kumpleto ang kailangang hulog.10,11

Kung hindi naghulog ang employer: hindi ibig sabihin na wala ka nang karapatan. Ayon sa Section 5(a)(5) ng Republic Act No. 11210, kapag nanganak ka nang hindi nai-remit ng employer ang kontribusyon mo, o hindi niya na-notify ang SSS, ang employer ang magbabayad sa SSS ng halagang katumbas ng maternity benefit na dapat sana ay natanggap mo.11 Itago ang payslips na nagpapakitang may kinaltas para sa SSS, at lumapit sa pinakamalapit na SSS branch o sa DOLE.

Tanungin ang employer kung updated ang mga hulog mo, at i-check mismo sa My.SSS at sa PhilHealth. Kung may problema, puwedeng humingi ng tulong sa SSS o sa DOLE. Hindi dapat maging dahilan ang pagbubuntis para maliitin o diskriminahin ka.

Kung hindi ka kasal Pareho ang karapatan mo sa ligtas na panganganak.

Hindi kailangang kasal para magamit ang PhilHealth o ang maternity leave.11 Puwede ring makakuha ng dagdag na benepisyo ang kwalipikadong solo parent sa ilalim ng Expanded Solo Parents Welfare Act (Republic Act No. 11861). Magtanong sa City o Municipal Social Welfare and Development Office tungkol sa Solo Parent ID. May mga kondisyon ito, kaya hindi lahat ng hindi kasal ay awtomatikong kwalipikado.

Pagkatapos manganak Parehong mahalaga ang kalusugan ng nanay at ng sanggol.

Itanong sa provider ang postnatal checkups, newborn screening at hearing test, bakuna ng sanggol, breastfeeding support, pag-aalaga ng tahi, family planning at mental health support. Kung nakararanas ka ng matinding lungkot o anxiety, makipag-usap sa health professional.

Birth certificate. Iparehistro ang kapanganakan sa Local Civil Registry Office ng lungsod o munisipyo kung saan ipinanganak ang sanggol, sa loob ng 30 araw.13 Bago umuwi, i-check ang spelling ng pangalan, petsa at lugar ng kapanganakan, at impormasyon ng mga magulang sa Certificate of Live Birth.

Handa ka na bang manganak? Isang checklist para sa iyo.

Ano ang dadalhin sa ospital
Dokumento
Valid ID, PhilHealth number kung mayroon, prenatal records, lab at ultrasound results, referral, at emergency contact.
Para sa nanay
Malinis na damit, maternity pads, underwear, tuwalya, gamit pang-hygiene, iniresetang gamot, cellphone at charger.
Para sa sanggol
Malinis na damit, lampin o diapers, at kumot.

Hindi namin sine-save o ipinapadala ang mga sagot mo sa checklist. Sa emergency, huwag hayaang maging hadlang ang kulang na gamit o dokumento.

Maternity savings planner Kahit covered ang panganganak, may maliliit na gastos pa rin.

₱200
₱0₱500₱1,000
24
12040

Posibleng kabuuang ipon

₱4,800

Pamasahe, pagkain ng kasama at gamit ng sanggol.

Hindi kailangang may ipon para makatanggap ng emergency care o ng PhilHealth benefits. Huwag ipagpaliban ang prenatal care dahil kulang pa ang ipon.

Mga madalas na tanong Mga tanong ng mga nanay.

Libre ba ang cesarean?

Puwedeng walang dagdag na bayad sa covered cesarean services kung nasa basic o ward accommodation ka sa accredited hospital, o kung sakop ka ng Zero Balance Billing sa DOH hospital.1,5

Puwede ba sa private hospital?

Oo, kung accredited at may maternity services. Kasama rin ang private hospitals sa No Co-Payment policy sa ward accommodation. May dagdag na bayad kung mag-upgrade ng kuwarto o pumili ng serbisyong hindi sakop.1

Paano kung pinagbabayad ako sa covered na serbisyo?

Humingi ng itemized statement of account, itago ang mga resibo, at lumapit sa PhilHealth desk ng ospital. Puwede ring tumawag sa PhilHealth Action Center sa (02) 8662-2588 o mag-email sa actioncenter@philhealth.gov.ph.1,15

Puwede ba akong humingi ng tulong kahit may trabaho ako?

Oo. Hindi nakadepende sa pagiging walang trabaho ang PhilHealth at Zero Balance Billing. Ang financial assistance naman ay dadaan sa assessment ng social worker.5,7

Kailangan ba ng referral mula sa politiko?

Hindi. Karapatan mo ang PhilHealth benefits at ang Zero Balance Billing. Para sa ibang tulong-pinansyal, sundin ang opisyal na requirements ng programa.

Puwede bang sa bahay na lang manganak para makatipid?

Mas ligtas manganak sa health facility na may skilled birth attendant at may access sa emergency care. Pag-usapan ang birth plan sa health worker; sakop na rin ng PhilHealth ang panganganak sa accredited lying-in kung low-risk ka at hindi ito ang unang pagbubuntis mo.2,15

Para sa bawat nanay.

May trabaho ka man o wala. Kasal ka man o hindi. Malaki man o maliit ang kita mo. Karapat-dapat kang makatanggap ng ligtas, maayos at makataong pangangalaga. Huwag mahiyang humingi ng tulong.

Walang nanay na dapat matakot manganak dahil wala siyang pera.

Human+ · The freedom to build a better life.

MaidProvider.ph
Setting the standard since 2009

Mga pinagkunan

15 na pinagkunan · PhilHealth, DOH, SSS at mga batas
  1. PhilHealth Circular No. 2026-0005, Rationalization of Case Rates for Select Maternal and Gynecologic Services in the Hospital Setting, at ang Tamang Sagot FAQ. Circular · FAQ
  2. PhilHealth Circular No. 2026-0006, Expansion of Maternity Care Benefits for Non-Hospital and Outpatient Facilities, at ang Tamang Sagot FAQ. Circular · FAQ
  3. Mas mataas na maternity benefits simula Abril 30, 2026. The Philippine Star
  4. Republic Act No. 11223 (Universal Health Care Act), Section 9, at PhilHealth Circular No. 2022-0013, Granting of Immediate Eligibility to Filipino Citizens. PhilHealth
  5. Zero Balance Billing sa basic o ward accommodation ng DOH hospitals, para sa lahat. The Philippine Star
  6. Zero Balance Billing sa piling LGU hospitals sa ilalim ng 2026 budget. SunStar
  7. Republic Act No. 11463 (Malasakit Centers Act of 2019). Supreme Court E-Library
  8. Republic Act No. 10932 (Anti-Hospital Deposit Law), Sections 1, 2 at 4. LawPhil
  9. DSWD Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS). DSWD
  10. SSS Maternity Benefit: eligibility, number of days, notification at computation. SSS
  11. Republic Act No. 11210 (105-Day Expanded Maternity Leave Law), Sections 3, 5(a)(5), 6 at 10. LawPhil
  12. Republic Act No. 10361 (Batas Kasambahay), Section 30, at ang coverage ng kasambahay sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG. LawPhil · PhilHealth Circular 016-2015
  13. Pagrehistro ng kapanganakan sa loob ng 30 araw. Philippine Statistics Authority
  14. Mga danger sign habang buntis at pagkatapos manganak, ayon sa DOH at sa Mother and Child Book. DOH guidance, Punto! · Mother and Child Book
  15. PhilHealth Advisory No. 2026-0046 (Agosto 10, 2026), mga paglilinaw sa Circulars 2026-0005 at 2026-0006: hindi sakop na panganganak sa lying-in para sa primigravida at multigravida ayon sa DOH, walang co-payment sa accredited labs at ultrasound, at PhilHealth Action Center. PhilHealth

Tungkol sa gabay na ito

Ang Human+ ay public-service initiative ng MaidProvider.ph, isang DOLE-licensed na household staffing agency. Para sa lahat ang gabay na ito; hindi kailangang maging aplikante, empleyado o kliyente namin. Hiwalay ang Human+ sa PhilHealth, DOH, SSS at sa bawat ospital na nabanggit.

Hindi ito medical advice

Pangkalahatang impormasyon ito, hindi kapalit ng payo ng doktor, midwife o abogado para sa iyong sitwasyon. Nagbabago ang mga programa at requirements; kumpirmahin sa ospital o ahensiya. Huling nirepaso noong Nobyembre 24, 2026.

Mga tanong at pagwawasto

Kung may luma o kulang na impormasyon, sumulat sa care@maidprovider.ph. Huwag magpadala ng personal na dokumento o medical records.

Comment